Ilang minuto bago isara ng Comelec ang filing ng COC o Certificate Of Candidacy ay humabol pa ang veteran host na si Willie Revillame.
Halos 5PM na nang mag-file si Willie ng kanyang COC at mistulang humabol nalang sa cut-off, hindi lingid sa kaalaman ng marami na ilang beses pinag-isipan ng host ang pagsabak niya sa politika.
October 7, nabanggit ni Willie Revillame sa mga audience na humihingi siya ng dasal at gabay sa diyos tungkol sa bagay na gagawin niya bukas at sana umano tama ang magiging desisyon niya sa buhay.
Aniya : “Itong gabing ito, ipagdasal n’yo lang ako. Itong huling ilang oras, hanggang bukas ng alas-singko, ipagdasal n’yo lang ako na gabayan ako ng Panginoong Diyos na tama ang magiging desisyon ko sa buhay,
“Marami nang mga batas na ipinasa. Marami nang mga dumating na namumuno saan mang lugar.
“Pero ang buhay ng mahihirap, mayroon bang batas sa mahihirap kung paano guminhawa ang buhay nila?
“Kapag nandito ako bukas, tuloy-tuloy. Kapag wala ako, mas malaki ang maiaambag ko sa bawat Pilipino,” dagdag ni Willie.
Pamilya ni Willie Revillame, hindi alam ang kanyang desisyon
Sa isang panayam, inamin ni Willie Revillame na walang alam ang kanyang pamilya sa biglaan niyang desisyon na pasukin ang politika.
Aniya : “Kung ako ay pagkakalooban ng Diyos na mabigyan ng pagkakataon, huwag kayong mag-alala, wala sa isip ko, wala sa bokabularyo ang gumawa ng isang bagay na ikagagalit ng lahat at hindi ko kayang mang-isa ng kapwa.
“Mas masarap yung ikaw ang nagbibigay kesa ikaw ang humihingi. Mas masarap yung ikaw ang nasasaktan. Masarap na pakiramdam yon kasi hindi ka makakatulog kung ikaw ang nananakit sa buhay.
“Ang television shows ko, nasa 21 years na ako. For 21 years, wala akong hinangad kundi yung makapagpasaya, makatulong sa mga kababayan natin na mahihirap na walang kapalit.
“Siyempre, malaking bagay yung mga sponsor kaya kami nakakapagbigay ng mga papremyo na ikaliligaya ng mga kababayan natin na mahihirap. At this point and time of my life, siguro this is the turning point na magsilbi sa buong Pilipinas. Hindi yung sa isang studio lang,” ani ng host.