Emosyonal na humingi ng tawad sa kanyang anak na si Carlos Yulo si Mrs. Angelica Yulo kaugnay ng hindi nila pagkakaunawaan na mag-ina.
Sa isang emosyonal na press conference, humarap sa media si Mrs. Angelica kasama ang kanyang legal counsel na si Atty. Raymond Fortun upang tuldukan ang isyu hinggil sa hindi pagkakaunawaan sa pagitan nila ni Carlos, pati na rin sa nobya nitong si Chloe San Jose.
Angelica, iginiit na hindi siya perpektong ina
Sa kanyang pahayag, inamin ni Angelica na siya’y hindi perpektong ina, ngunit ganun din umano si Carlos bilang anak.
Ani Angelica, “Hindi ako perpektong ina, at alam ng Diyos na hindi ka rin perpektong anak. At walang perpektong pamilya.”
Iginiit din ni Angelica na malinis ang kanyang intensyon kung bakit siya nagsasalita, at wala siyang ibang hangad bilang isang ina kundi ang ikabubuti ng kanyang mga anak.
Aniya, “Walang ibang hangad ang isang ina kung hindi ang ikabubuti ng kanyang anak at sa bawat miyembro ng pamilya. Sa paraan nang marahas at maingay, sana’y maunawaan mo na ang intensiyon ko ay malinis.”
Kasunod nito ay inamin ni Angelica na nasaktan siya dahil hindi na umano nakikinig si Carlos sa kanya.
Aniya, “Ako’y isang inang nasaktan dahil ang mabait na anak na pinalaki ko nang maayos at mabuting tao ay hindi na nakikinig sa mga paggabay ng magulang.”
Angelica, humingi ng tawad kay Carlos at sa girlfriend nito
Humingi ng tawad si Angelica kay Carlos dahil sa pagpuna niya sa girlfriend nito.
Ani Angelica, “Kung mali man ang naging pagpuna ko sa nobya mo, humihingi ako ng patawad dahil nanay lang ako na nag-aalala.”
Tungkol naman sa kanyang nasabi sa isang panayam, iginiit ni Angelica na pagod at puyat lamang siya at hindi niya napag-isipan nang mabuti ang kanyang mga sagot.
Ani Angelica, “Gayunpaman, Humihingi ako ng patawad sa iyo at sa sambayanan sa mga nasabi ko sa interview. Pagod at puyat ako sa kapapanood sa iyo noong mga panahon na iyon. Hindi makatulog sa tuwa kahit tapos na ang iyong laban. Hindi ako nakapag-isip nang mabuti nang nirapido ako ng mga tanong ng mga reporter tungkol sa bagay na dapat ay tayo na lamang ang nag-ayos. Patawad, anak.”
Naiintindihan din ni Angelica na maaaring tingnan ng iba na nagsasalita siya dahil sa tagumpay ni Carlos.
Pero iginiit niya na ang kanyang pagsasalita ay hindi dahil sa kasikatan ni Carlos kundi dahil nais niyang magkaroon ng kapayapaan sa kanilang pamilya.
Ani Angelica, “Patawad anak, naiintindihan ko kung iisipin ng iba na kaya lang ako nagsasalita ngayon ay dahil sa iyong tagumpay at kasaganaan. Ako ay nagsasalita para ilagay na sa katahimikan ang isyu.”
Angelica kay Carlos: “Bukas ang ating tahanan, may pera ka man o wala”
Nabanggit din ni Angelica na handa silang mag-usap ng bukas ang loob anumang oras na handa si Carlos.
Bukas din umano ang kanilang tahanan sa pag-uwi ni Carlos, may pera man ito o wala.
Aniya, “Bukas ang ating tahanan, may pera ka man o wala, bukas ang pintuan, kung nanaisin mong bumalik sa amin…Hindi na pwedeng bawiin ang nasabi, ang amin lang handa na ako at ang papa mo na mag-usap tayo na bukas ang loob anumang oras na handa ka pag-uwi mo upang maayos ito.”
Sa pagtatapos, emosyonal na nagpasalamat si Angelica kay Carlos para sa karangalang inuwi nito para sa bansa.
Aniya. “Caloy, congratulations sa iyong tagumpay, mahal na mahal ka namin, anak.”
Hiniling din niya sa publiko na ipagdiwang ang tagumpay ni Carlos at hindi na palakihin ang isyu.
Aniya, “Sa sambayanan naman. Sana ay ipagdiwang na lang natin ang tagumpay ng anak ko. Gumawa ang anak ko ng kasaysayan para sa ating bansa. Lahat tayo ay magpasalamat kay Caloy para sa karangalang iuuwi niya para sa bayan.”
0 comments:
Post a Comment