Saturday, August 3, 2024

Rider, maayos na inihatid ang parcel ng naka-burol na customer

Magkahalong lungkot at tuwa sa mga netizen ang kwento ng isang delivery rider na nagulat matapos madatnang nakaburol ang customer na pagdadalhan niya ng parcel.

Hindi maikakaila ang pag-usbong ng online shopping sa Pilipinas. 

Marami sa mga Pilipino ang nahuhumaling sa kaginhawahan ng pagbili ng mga pangangailangan at luho sa pamamagitan ng ilang pindot lamang sa kanilang mga cellphone o computer. 

Ang kagandahan ng online shopping ay hindi na kailangan pang lumabas ng bahay para makuha ang mga ninanais na produkto.

Ngunit paano kung bigla ka na lamang bawian ng buhay? Ano ang mangyayari sa mga parcel mo?

Huling order bago pumanaw

Isang hindi inaasahang pangyayari nga ang nag-viral kamakailan sa social media. 

Isang nagngangalang John Carlo Dimaranan ang nag-post sa TikTok ng isang video na nagpapakita ng isang delivery rider na dumating upang mag-deliver ng parcel sa kanyang pumanaw na tiyahin. 

Sa kanyang pagdating, nagulat ang rider nang madatnang nakaburol na si Connie, 44 taong gulang, na isang madalas na online shopper.

Rider, maayos na inihatid ang parcel ng naka-burol na customer
PHOTO : Rider, maayos na inihatid ang parcel ng naka-burol na customer

Sa video, makikitang hindi napansin ng delivery rider ang tarpaulin ng burol, at nagtaka siya nang hanapin si Connie. 

Ipinakita ng ina ni John Carlo ang kabaong, dahilan upang magulat ang rider. 

Ayon kay John Carlo, biglaang pumanaw ang kanyang Tita Connie dahil sa acute myocardial infarction, o atake sa puso. 

Ibinahagi rin umano ng kanyang pamilya ang video sa social media upang magbigay ng good vibes at ipakita kung ano ang gusto ni Connie— ang makapagpasaya ng mga tao kahit sa panahon ng kalungkutan.

Reaksyon ng netizens sa delivery rider

Ang insidenteng ito ay nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens at nagpakita ng kakaibang kombinasyon ng lungkot at katatawanan. 

Samantala, sa ulat naman ng Bandera, ibinahagi ni John Carlo na nagulat siya dahil sa mabilis na pag-viral ng kanyang video. 

Ginamit din niya ang pagkakataong ito upang paalalahanan ang mga tao na maikli lang ang buhay kaya dapat pahalagahan ang bawat sandali kasama ang mga mahal nila sa buhay.

Aniya, “I also just want to share sa mga tao or sa public na life is short and you will never know hanggang kailan ka na lang so always value memories, time with your loved ones. A simple I love you and I miss you is a huge deal.”


0 comments:

Post a Comment