Sa kabila ng alitan nila ng kanyang ina, pinasalamatan pa rin ni two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo ang kanyang pamilya.
Hindi maikakaila na magkahalong tamis at pait ang nararamdaman ni Carlos kasunod ng kanyang tagumpay sa 2024 Paris Olympics.
Kasabay kasi ng kanyang pagkapanalo ay ang pag-usbong ng hindi pagkakaunawaan nila ng kanyang ina, si Angelica Yulo.
Dahil dito, hindi kasama ni Carlos ang kanyang pamilya habang siya ay nagdiriwang ng pagkapanalo sa Olympics.
Gayunpaman, ipinaabot pa rin ni Carlos ang kanyang pasasalamat sa kanyang pamilya.
Carlos Yulo, ibinahagi kung sino ang kanyang inspirasyon sa buhay
Kamakailan lang ay nag-guest si Carlos sa TV show ni Willie Revillame na “Wil To Win.”
Natanong ni Willie si Carlos kung sino ang inspirasyon niya sa buhay.
Sagot ni Carlos: ang Diyos, ang kanyang pamilya, at ang kanyang girlfriend na si Chloe San Jose.
Ani Carlos, “Unang-una po, si Lord, grabe po yung ibinigay Niya na talento, lakas, guidance. Sobrang blessed po ako throughout the game at sa mga naranasan ko sa buhay. Palagi Siyang nandiyan.”
Dagdag niya, “Family, siyempre, yung partner ko na palaging…grabe, yung well-being ko at mental health na nasusuportahan ako sa lahat.”
Malaki rin ang pasasalamat ni Carlos sa presidente ng Gymnastics Association of the Philippines na si Cynthia Carrion.
Aniya, “Siyempre, si Ma’am Cynthia po, na president po namin, itinaguyod niya talaga yung gymnastics sa Pilipinas. Sobrang thankful po ako sa kanya.”
Carlos, pinasalamatan ang pamilya
Samantala, nabanggit ni Willie na nagkausap sila ni Carlos tungkol sa pinagdadaanan nito hinggil sa kanyang pamilya.
Ani Willie, “Medyo alam ko may mga pinagdadaanan ka, nakapag-usap kami kanina sa backstage. Sabi ko, masarap yung buo ang lahat, at siyempre, yung mga mahal mo sa buhay, nandiyan sa ’yo.”
Tanong niya kay Carlos, “Ano ang gusto mong sabihin sa mga mahal sa buhay?”
Bagamat hindi niya binanggit ang pangalan ng kanyang mga magulang, ramdam ng marami ang sinseridad ni Carlos habang pinapasalamatan ang kanyang mga magulang.
Aniya, “Nagpapasalamat po ako na nandiyan sila, nakaantabay. Ipinagdarasal ako sa lahat ng mga ginagawa ko sa buhay. Naaalagaan ako, hindi lang bilang atleta, kundi bilang tao na rin po. Wala po akong masabi kundi pasasalamat. Thank you sa pagmamahal na ibinibigay nila sa akin. Hindi ko po alam, pero ito po yung naging resulta ng pagsusuporta nila. Maraming salamat po.”
0 comments:
Post a Comment