Tuesday, August 6, 2024

Carlos Yulo, kinampihan ang girlfriend laban sa kanyang ina

Nagsalita na ang two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo tungkol sa mga paratang ng kanyang ina laban sa kanyang girlfriend na si Chloe San Jose.

Matatandaang kamakailan lamang, naging mainit na usapin ang pahayag ng ina ni Carlos na si Angelica Yulo kung saan sinabi niyang nagsimula ang hidwaan nilang mag-ina dahil kay Chloe.

Ina at Girlfriend ni Carlos Yulo, may bangayan sa social media
PHOTO : Angelica Yulo and Chloe San Jose

Carlos Yulo, ipinaglaban ang girlfriend sa kanyang ina

Sa isang TikTok video noong Martes, August 6, kinumpirma ni Carlos na totoo ang sinabi ng kanyang ina.

Ngunit nilinaw niyang dahil ipinaglaban lamang niya si Chloe mula sa ina na simula’t sapul ay hindi na raw nito gusto kahit hindi pa niya ito nakikilala.

Ani Carlos, “Opo, totoo po yon. Dahil unang-una pa lang, ayaw na niya kay Chloe kahit na hindi pa niya nakikita or nakikilala in person. Mas nagkalabuan po kami noong naglagay ako ng boundaries sa relationship ko kasi pinaglaban ko po si Chloe dahil gusto ko po siya, e.”

Ipinagtanggol din ni Carlos si Chloe mula sa panghuhusga ng kanyang ina dahil lamang sa pananamit at kilos nito.

Ani Carlos, “Yung about sa red flag daw po si Chloe na sinabi ng mama ko, hinusgahan niya po agad si Chloe sa pananamit at sa pag-akto po niya. Magkaiba po [kami] ng kinalakihan. Unang-una po, lumaki si Chloe sa Australia. At ayun yung kinagisnan niyang culture na ibang-iba po talaga sa Pilipinas — kung paano tayo gumalaw, magsalita o manamit po.”

Carlos Yulo, iginiit na hindi siya hinuhuthutan ng pera ng kanyang girlfriend

Mariin ding pinabulaanan ni Carlos ang paratang ng kanyang ina na huhuthutan lamang siya ni Chloe ng pera.

Giit ni Carlos, “May sariling income si Chloe. Lahat ng nakikita niyang gamit o yung pagta-travel niya ay galing sa kanyang pinagpaguran.”

Dagdag pa niya, “Bakit naman po ako mauubos? Lahat ng bank accounts ko ay nasa mama ko. May mga instances pa nga na si Chloe ang sumusuporta sa akin.”

Isyu sa pagtira sa apartment sa Japan

Pinabulaanan din ni Carlos ang kwento ng kanyang ina tungkol sa pagtira ni Chloe sa kanyang apartment habang siya ay nagte-training sa Japan.

Ayon kasi kay Angelica, tumuloy si Chloe sa apartment ni Carlos kahit bawal umano ito.

Natuklasan daw niya ito dahil dapat sana ay kasama ni Carlos sa kanyang apartment ang isang kapatid nito at teammate.

Pero hindi siya pumayag na tumira ang mga ito kasama sina Carlos at Chloe dahil menor de edad pa ang mga ito.

Nangangamba si Angelica na may makitang hindi angkop ang kanyang anak, lalo pa raw at madalas ibalandra ni Chloe ang kanyang pwet.

Unang-una, iginiit ni Carlos na hindi bawal ang outsider sa kanyang apartment.

Ani Carlos, “At yung sinasabi po niya na dapat wala daw pong outsider or guest daw po doon sa apartment ko po, hindi rin po yun totoo. Kasi, wala naman naka-indicate sa contract na bawal yung guest or outsider sa loob ng apartment ko.”

Hindi rin umano totoo ang sinabi ni Angelica na maging ang kanyang dating coach ay hindi sang-ayon sa pagtuloy ni Chloe sa kanyang apartment sa Japan.

Ani Carlos, “Actually, invited po si Chloe ng former coach ko from Japan nung SEA Games pa lang po sa Vietnam.”

Sa huli, ipinarating ni Carlos sa kanyang ina na hindi sila gagawa ni Chloe ng anumang hindi nararapat habang nandoon ang kanyang mga kapatid.

Ani Carlos, “Yung sinasabi niya po na nandoon yung dalawang bata po, at nakabalandra daw yung puwet po [ni Chloe], bilang nakakatandang kapatid po, bilang boyfriend ni Chloe po, at bilang ate at kuya po, kami po, aalagaan po namin sila.

“Hindi namin po gagawin yung mga iniisip niya na ganun. Ang dumi niya mag-isip. At hindi appropriate yun para sa akin at disrespectful yun actually sa akin and kay Chloe po,” giit ni Carlos.


0 comments:

Post a Comment