Saturday, May 25, 2024

Direktor, tinawag na “bobo” ang mga writer ng “Batang Quiapo”

Inulan ng samu’t saring komento ang pahayag ng direktor na si Ronaldo Carballo tungkol sa mga writer ng action series na “FPJ’s Batang Quiapo.”

Direktor, tinawag na "bobo" ang mga writer ng "Batang Quiapo"
PHOTO : Ronaldo Carballo and Coco Martin

Sa isang Facebook post nitong Biyernes, May 24, hindi pinalampas ni Carballo ang pagkakataon na ipahayag ang kanyang matinding pagkadismaya sa istilo ng pagsusulat ng script ng mga writer.

Kinuwestiyon ni Ronaldo kung saan nag-aral ang mga writer dahil tila hindi raw marunong magsulat ang mga ito.

Ronaldo, pinuna ang scriptwriting ng mga writer ng “Batang Quiapo”

Sa kanyang post, tila nagbigay si Ronaldo ng “free quick writing workshop” sa mga writer ng serye, lalo na patungkol sa paulit-ulit at hindi epektibong paggamit ng monologue sa serye. 

Ayon sa kanya, hindi na kinakailangan pang ulitin ang mga eksenang naipakita na visually sa nakaraang episode sa pamamagitan ng mahabang monologue dahil wala na raw itong saysay pa.

Ani Ronaldo, “Juiceku! Saan ba nag-aral ng Scriptwriting ang mga gunggong na writers na ito? Kapag naipakita na visually sa eksena previously, hindi na ito dapat ikwento thru pagkahaba-habang monologue. Wala na lahat itong katuturan.”

Dagdag pa niya, “Wala nang saysay yang pagkukuwento mo kay Bubbles, Tanggol. Nakita na sa previous scenes ng paulit-ulit yang mga ikinukuwento mo, Tanggol. Hindi na yan nakaaantig at all, kahit mag-OA ka pa sa kadadrama dyan…”

Pinangaralan din ni Ronaldo ang mga writer sa tamang pagsulat ng script. 

Aniya, “Script structure yun. Kung magaling ang writer, may device yun, na pwede mong sagutin ang tanong ni Bubbles, hindi na kailangang marinig ng audience ang kwento mo. Dahil sa very long previous scenes, nakita na at napanood na ng audience ang minu-monologue mo. Wala na talagang saysay ang mga monologue mo Tanggol, kase napanood na namin yun.”

“Sana gets nyo ang point. Free quick scriptwriting workshop yan para sa mga gunggong na writers ng ‘Batang Quiapo,’” saad niya sa huli.

Ronaldo Carballo vs Coco Martin

Bukod sa script, pinuna rin ni Ronaldo Carballo ang pag-iyak na walang luha ng bida na si “Tanggol” na pinagbibidahan ng direktor ng serye na si Coco Martin

Ani Ronaldo, “[Nagvu-voice] acting ka pa ngang umiiyak ka, Tanggol. Pero wala kang luha.”

Maging ang itsura ni Coco Martin ay pinuna rin ni Ronaldo Carballo dahil hindi raw ito umaayon sa eksena. 

Aniya, “Nakaka-destruct din sa akting no yung plantsadung-plantsado ang buhok mo, at ang ganda pa rin ng make-up mo na di ka man lang pinawisan. Samantalang you had a very long day. Ikaw na nga rin ang nagsabi, Tanggol, at napanood naman namin, ‘Ang daming nangyari.’ At talagang ang bigat ng mga nangyari sa iyo, pero ayus na ayos pa rin ang itsura mo. Haaay… Kahit tanungin ka pa ni Bubbles ng, ‘Ano bang nangyari sa lakad mo? Bakit ka naglalasing?’”

Ronaldo, tinawag na ‘Bobo’ ang mga writer ng “Batang Quiapo”

Matatandaang hindi ito ang unang beses na binatikos ni Ronaldo ang mga writer ng serye. 

Sa kanyang hiwalay na post noong Martes, May 22, tinawag naman niyang ‘bobo’ ang mga writer ng serye.

Ayon kay Ronaldo, ‘nakakapikon’ na ang mga writer ng serye dahil sa ‘cheap’ na trabaho nila. 

Aniya, “Ang bobobo naman ng mga writers ng ‘Batang Quiapo’. Sobrang nakakapikon na! Biro nyo, naka-posisyon sila dyan sa Primetime TV, tas ganyang ka-cheap ang trabaho nila… Saan ba nag-training ng Scriptwriting itong mga gunggong na writers na ito? Very amateurist! Saan ba sila lumaki at anong upbringing nila?…”

“Ang sarap buhusan ng kumukulong tubig ng mga bobong writers na ito. Baka sakaling mahimasmasan at matuto silang magsulat. Mga buwisit! Iniinsulto ng mga writers na ito ang mga manonood na may utak at nag-iisip!” dagdag niya.

Ronaldo Carballo, kilalang kritiko

Hindi na bago para kay Carballo ang magbigay ng prangka at walang takot na opinyon tungkol sa industriya ng telebisyon. Kilala siya sa kanyang mga matatalim na puna na, ayon sa iba, ay nagpapakita ng kanyang malasakit sa kalidad ng mga palabas sa telebisyon.

Sa kabila ng kanyang mga kritisismo, marami pa rin ang humahanga sa kanyang tapang at pagiging totoo.

Samantala, habang sinusulat ang artikulong ito ay wala pang reaksyon o pahayag ang mga writer ng Batang Quiapo hinggil sa saloobin ni Ronaldo tungkol sa kanila.


0 comments:

Post a Comment