Wednesday, June 5, 2024

Christine sa It’s Showtime: “Pinagmukha n’yo akong sinungaling”

Umalma sa statement ng It’s Showtime ang searcher na si Christine kaugnay sa viral issue nila ng searchee na si Axel Cruz.

Matatandaang bago matapos ang It’s Showtime nitong Martes, June 4, muling nagbigay ng statement ang It’s Showtime sa pangunguna ng main host nilang si Vice Ganda.

Christine sa It’s Showtime: “Pinagmukha n’yo akong sinungaling”
PHOTO : Christine and Axel Cruz

Nagulantang ang madlang pipol nang bawiin ni Vice ang sorry niya kay Axel dahil sa pag-call out niya rito sa segment nilang “Expecially For You” noong May 31 kaugnay sa pagnakaw daw nito ng halik kay Christine.

Pinagsabihan ni Vice si Axel na mali ang kanyang ginawa at pwede sing mademanda rito.

Axel, itinanggi ang akusasyon ni Vice

Ngunit itinanggi ni Axel ang akusasyon ni Vice kung saan ipinaliwanag niya na “bro code” lang sana ang gagawin niya kay Christine pero na-misinterpret daw ng mga host.

Ani Axel, “Akala nya kikiss ko sya or beso again im not intended to kiss her, and yung angle ng cam akala hinatak or pinilit ko, nakaupo po sya nun hindi maabot kaya ganun ang nangyare.”

Christine, ipinagtanggol si Axel

Sa isang TikTok video, ipinagtanggol din ni Christine si Axel dahil wala raw talagang nakaw na halik na nangyari.

Ani Christine, “Hi guys! Ako nga pala si Christine. So, kanina paggising ko eh nakita ko itong video na to…Ang totoo ako po kasi niyan, wala naman po talagang balak si Axel na ibeso ako. Tsaka hindi ko talaga naramdaman na gusto niya akong ibeso.”

“To clarify lang po, wala po talagang nangyaring halik. Wala pong nakaw na halik na nangyari. Parang comforting lang po talaga, since emotional ako nung segment,” dagdag niya.

Vice, humingi ng sorry kay Axel sa isang tweet

Kasunod nito ay nag-sorry si Vice kay Axel dahil sa mali niyang reaksyon sa ginawa nito kay Christine.

Ani Vice sa kanyang Tweet, “Sorry na mali ang reaction ko. Ang dating kasi sakin at sa ibang andun eh na-off si girl na sinunggaban sya ng halik and i thought na she felt violated. Since hindi naman pala I will apologize to the guy.”

Vice, binawi ang sorry kay Axel

Ngunit bigla ngang binawi ni Vice ang kanyang sorry kay Axel.

Sa panibagong pahayag ni Vice sa It’s Showtime, iginiit niyang totoong na-off si Christine sa ginawa ni Axel.

Ayon kay Vice, muli nilang pinag-usapan ang nangyari kasama ang lahat ng host, staff, psychologist. Muli rin umano nilang nakausap sina Axel at Christine.

Ibinunyag ni Vice na inamin ni Christine sa kanila na totoong na-off siya sa ginawa ni Axel.

Dahil dito, kaya paninindigan umano nila ang kanilang ginawang pag-call out kay Axel.

Ani Vice, “At dahil po do’n, gusto ko pong sabihin na binabawi ko ‘yung tiniweet ko na I will say an apology because I do not need to apologize. Ito po ang aking paniniwala at paniniwala rin namin na hindi ko kailangang mag-apologize because what we did is right.”

Christine, nagsinungaling sa kanyang TikTok video?

Nabanggit din ni Vice na may dahilan si Christine kung bakit ito nagsinungaling sa kanyang TikTok video.

Ani Vice, “Sinabi niyang talaga namang na-off siya at meron siyang naramdaman na hindi siya kumportable sa ginawa ng searchee. Meron siyang dahilan kung bakit niya ‘yon sinabi sa Tiktok na hindi na rin ho namin isi-share.

Patuloy ni Vice, “Nirerespeto namin ang dahilan ni Christine na sinabi niya ‘yon na hindi siya na-off when in reality, na-off talaga siya. And since na-off si Christine, naniniwala ako na hindi maling kinoll-out namin si Axel dahil karapatan ng isang babae na tumanggi o umalma kung sa pakiwari niya, hindi siya komportable.”

“At bilang main host ng segment na ‘yon, it was my choice to call out. Dahil kung hindi ko rin ginawa ‘yon, bakit ko hinayaan. Ginawa rin po namin ‘yon para protektahan ang amimg guest na hindi matapakan ang kanyang boundary bilang isang babae,” diin ni Vice.

Christine, pinagmukhang sinungaling ng It’s Showtime?

Ngunit umalma si Christine sa pahayag ng It’s Showtime.

Sa Facebook post ng nagpakilalang kapatid ng ex-boyfriend ni Christine na si Jhelo Bernabe, iginiit niyang pinagmukhang sinungaling ng It’s Showtime si Christine.

Caption ng post ni Jhelo, “NAKAKAAWA SI CHRISTINE TOTOO TALAGA YUNG SINABE NYANG STATEMENT , GRABE KAYO SHOWTIME!!!!”

Kasunod nito ay ipinakita ni Jhelo ang video ni Christine na umiiyak habang kausap ang isang staff ng It’s Showtime na kinunan pagkatapos lang ng pahayag ni Vice.

Maririnig sa video na sinabi ni Christine na pinagmukha raw siyang sinungaling ng It’s Showtime.

Totoo raw kasi ang lahat ng kanyang sinabi sa kanyang TikTok video pero sinabi ng It’s Showtime na totoong na-off siya sa ginawa ni Axel.

Pilit din kinokontra ni Christine ang staff ng It’s Showtime.

Saad kasi ng staff, “hindi nila mage-gets ang point mo kasi ang trabaho nila mang-bash.”

Ayon naman kay Christine, mas lalong binigyan ng dahilan ng It’s Showtime ang netizens na i-bash siya dahil lumalabas na nagsinungaling siya.

Ani Christine, “Pero kasi mas lalo niyo silang binigyan ng dahilan para maibash ako. Pinagmukha ninyo akong sinungaling. Paano naman po ako?”

Itinanggi naman ito ng staff ng It’s Showtime.

Saad pa ng staff, “Okay hindi yan ang totoong nangyari. Hindi yan ang intensyon.”

Pero giit ni Christine, napanood niya ang video ng statement ni Vice, at hindi kaya ng konsensya niya na magsinungaling.

Ani Christine, “Napanood ko po yung video na yun […]  Hindi ko kasi kaya. Hindi nga po kaya ng konsensya ko na magsinungaling eh. Tapos yun po yung napanood ko. Isipin niyo po ang sitwasyon ko.”

Sa panahong sinusulat ang artikulong ito, wala pang pahayag si Vice, at ang pamunuan ng It’s Showtime hinggil sa nasabing video ni Christine.


0 comments:

Post a Comment