Saturday, June 1, 2024

Deniece Cornejo at Cedric Lee, guilty sa kinaso ni Vhong Navarro

Matapos ang 10 taon, natapos na rin ang laban ng It’s Showtime host na si Vhong Navarro kontra kina Deniece Cornejo at Cedric Lee.

Tuluyang nagwakas ang paglilitis sa kasong serious illegal detention na isinampa ni Vhong laban kina Deniece at Cedric ngayong Huwebes, May 2, 2024, matapos basahin ng Taguig Regional Trial Court Branch 153 ang kanilang hatol.

Hinatulan na “guilty beyond reasonable doubt” ng korte sina Deniece at Cedric, at dalawa pa nilang kasama na sina Zimmer Raz at Fernando Guerrero.

Vhong Navarro at Deniece Cornejo history

Matatandaang nag-ugat ang kaso dahil sa pambubugbog, pananakot, at pagkulong umano ng mga akusado kay Vhong sa condo unit ni Deniece noong January 22, 2014.

Sa parehong araw din nangyari ang akusasyon ni Deniece na pinagtangkaan siyang gahasain ni Vhong.

Sa mahabang taon, ang akusasyon na ginahasa ni Vhong si Deniece ang dahilan ng grupo ni Cedric kaya nagawa ang krime kay Vhong.

Pero hindi matibay ang dahilan ng grupo ni Cedric matapos mapatunayan sa korte na hindi totoong tinangkang gahasain ni Vhong si Deniece.

Ito’y batay na rin sa pag-analisa sa CCTV footage kung saan makikita na imposible para kay Vhong na magawa ang krimen sa maikling oras.

Deniece Cornejo, Cedric Lee, Zimmer at Fernando

Samantala, pinatawan ng parusang “reclusion perpetua” o panghabang-buhay na pagkakakulong sina Deniece, Cedric, Zimmer, at Fernando.

Ipinapabilis din ng korte ang pagkakakulong nina Deniece at Zimmer na dumalo sa pagbabasa ng sakdal o promulgation ngayong araw.

Habang iniutos ng korte ang agarang pag-aresto kina Cedric at Fernando na hindi sumipot sa promulgation.

Reaksyon ni Vhong Navarro

Samantala, kasunod ng paglabas ng hatol ng korte, hindi maiwasan ni Vhong na maging emosyonal sa episode ng It’s Showtime ngayong Huwebes, May 2, kung saan ibinahagi niya ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Panginoon dahil hindi siya Nito pinabayaan sa kanyang laban.

Ani Vhong, “Salamat Lord dahil lagi kang nakagabay sa akin. Sa rami kong pinagdaanan sa buhay, ikaw ang nagging sentro ko at napakatotoo mo. Kaya maraming-maraming salamat.”

Hindi rin nakalimutang pasalamatan ni Vhong ang kanyang mga fans na hindi nawalan nang tiwala na inosente siya.

Ani Vhong, “Sa mga naniniwala sa akin, sa aking mga fans. Kung ano man yung narining niyong hindi maganda sa akin, eh patuloy kayong nandiyan sumusuporta at naniniwala.”


0 comments:

Post a Comment