Umabot na sa P10M ang alok na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon o makapagtuturo sa kinaroroonan ni Pastor Apollo Carreon Quiboloy.
Matatandaang bigla na lamang naglaho si Quiboloy matapos maglabas ng mga warrant of arrest laban sa kanya at sa iba pa noong Marso.
Ang mga warrant ay inisyu nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Risa Hontiveros matapos hindi dumalo si Quiboloy sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality.
Mga kaso ni Apollo Quiboloy
Ang pagdinig ay isinagawa upang imbestigahan ang umano’y paglabag ni Quiboloy sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Republic Act No. 9208 o Qualified Human Trafficking.
Kasunod ng pagkawala ni Quiboloy, sinalakay ng pulisya ang ilang pag-aari ng KOJC sa Davao City, Samal Island, at Sarangani, ngunit hindi siya natagpuan sa mga nasabing lugar.
Alok na pabuya sa pagdakip kay Quiboloy
Dahil dito, inanunsyo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos noong Lunes, July 8, na magbibigay sila ng pabuya na P10 milyon para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magdudulot sa pagkaka-aresto ni Quiboloy.
Ani Abalos, “Gusto ko pong i-anunsyo sa mga nanunuod at nakikinig na meron tayong mga kaibigang gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nag-ooffer ng reward ng P10 million for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy.”
Bukod kay Quiboloy, may alok din na P5 milyon, o P1 milyon bawat isa, para sa makapagtuturo sa kinaroroonan ng iba pang limang kasabwat ni Quiboloy.
Internasyonal na Paghahanap kay Quiboloy
Matatandaang si Quiboloy ay hinahanap din ng US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga kaso ng “Conspiracy to Engage in Sex Trafficking by Force, Fraud and Coercion, and Sex Trafficking of Children; Sex Trafficking by Force, Fraud, and Coercion; Conspiracy; Bulk Cash Smuggling.”
Ayon sa website ng FBI, si Quiboloy, ang tagapagtatag ng isang church sa Pilipinas, ay sangkot umano sa labor trafficking scheme na nagdala ng mga miyembro ng church sa US gamit ang mga pekeng visa at pinilit silang mag-solicit ng donasyon para sa isang pekeng charity.
Ang mga donasyon ay ginamit upang tustusan ang operasyon ng simbahan at ang marangyang pamumuhay ng mga lider nito.
Mga Alegasyon laban kay Quiboloy
Ayon pa sa FBI, ang mga babae ay nire-recruit upang maging personal assistants o “pastorals” ni Quiboloy, na nagtatrabaho sa paghahanda ng pagkain, paglilinis ng mga tirahan, pagbibigay ng masahe, at kinakailangang makipagtalik kay Quiboloy sa tinatawag nilang “night duty.”
Ang mga alegasyon na ito laban sa kanya ay mariing itinanggi ni Quiboloy, sa kabila ng matibay na ebidensya.
0 comments:
Post a Comment