Umani ng batikos mula sa netizens ang bagong PWD Ramp na itinayo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa PhilAm station ng EDSA Busway sa Quezon City.
Nag-viral ang bagong rampa para sa mga PWD matapos punahin ng mga netizen ang disenyo nito.
Base kasi sa kanilang obserbasyon, sobrang tarik umano ng rampa at hindi madali at ligtas na gamitin ng mga PWD, lalo na ng mga naka-wheelchair.
Isang naka-wheelchair na PWD, nahirapan sa paggamit sa rampa ng MMDA
Para patunayan na hindi angkop para sa mga PWD ang rampa, sinubukan ito ng isang naka-wheelchair na PWD.
Sa ulat ng GMA News, makikitang sinubukan ito ni Nelson Belo mula sa grupo ng mga PWD na Life Haven.
At sa unang tingin, nasabi na agad ni Nelson na mahihirapan siya sa pag-akyat sa rampa.
Nang subukan, halatang hirap na hirap n si Nelson sa pag-akyat ng kanyang sarili sakay ng wheelchair.
Hindi na rin sinubukan pa ni Nelson na bumaba ng rampa dahil sa takot na baka bumulusok siya pababa at lumusot sa bakal na railings dahil sa sobrang tarik nito.
Ani Nelson, “Kapag dumidiretso ako doon, may bakal nga. Baka doon ako sumuot sa bakal.”
Maging ang kasama ni Nelson na tumutulak sa kanya, iginiit na mahirap dumaan sa rampa dahil sobrang tarik nito.
Architect sa ipinagawang PWD ramp ng MMDA: “Delikado ito”
Samantala, sinuri naman ni Architect Armand Eustaquio, na isa sa nagsulat sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Batas Pambansa 344, o ang Accessibility Law, ang rampa na ipinagawa ng MMDA para sa mga PWD.
Base sa kanyang pagsusuri, lumalabas na may incline na 14.15 degrees ang rampa na sobrang tarik umano kumpara sa standard para sa isang PWD ramp.
Lingid kasi sa kaalaman ng marami, dapat may maximum na 4.8-degree angle lang ang rampa para sa mga PWD ngunit mas matarik ng halos 10 degrees ang rampa ng MMDA kesa sa itinakdang pamantayan.
Dahil dito, kaya hindi na raw nakapagtataka na nahihirapan ang mga PWD sa paggamit ng rampa.
Iginiit din ni Eustaquio na dapat may mag-a-assist sa mga PWD tuwing dadaan sa rampa dahil sobrang delikado nito.
Aniya, “Sa ganitong kalagayan, mahihirapan ang mga PWDs na umakyat nang walang tulong, lalo na ang mga gumagamit ng wheelchair. Kailangang may magtutulak sa kanila, kundi ay delikado ito.”
MMDA, naglabas ng statement tungkol sa PWD Wheelchair Ramp Issue
Samantala, nagpaliwanag naman ang MMDA hinggil sa isyu ng ipinagawa nilang rampa para sa mga PWD.
Sa kanilang pahayag, sinabi ng MMDA na dahil sa height restriction ng MRT, hindi naging posible na ipantay ang elevator sa footbridge.
Anila, “Ukol sa viral photo ng rampa sa EDSA-Philam station ng Busway station sa Quezon City, nais namin ipabatid na mayroong height restriction ang MRT na sinunod ng MMDA kaya hindi naging posible na ipantay ang elevator sa footbridge.”
Gayunpaman, bagaman hindi umano perpekto ang disenyo ng rampa para sa mga naka-wheelchair, malaking tulong pa rin naman daw ito para sa mga senior citizens, buntis, at iba pang PWDs kaysa sa paggamit ng hagdan.
Anila, “Hindi ito perpektong disenyo lalo na sa mga naka-wheelchair pero malaking tulong pa rin ito para sa mga senior citizens, buntis at ibang PWDs sa halip na umakyat gamit ang hagdan.”
Iginiit naman ng MMDA na maglalagay sila ng mga tauhan upang tulungan ang mga PWDs na mahihirapan sa pag-akyat ng rampa.
Hindi rin umano ito kasing tarik ng lumabas na larawan sa social media kapag ginagamit.
Anila, “Magtatalaga ang MMDA ng mga kawani para umasiste sa mga PWDs kung mahirapan sila pumanhik ng rampa. Kumpara sa nag-viral na photo, hindi ito masyadong matarik kung lalakaran.”
Dagdag nila, “Inilagay ang rampa dahil sa limitadong espasyo at kung wala ito ay hindi maiilagay ang elevator sa istruktura para sa convenience ng mga commuters na sumasakay sa busway station.”
Reaksyon ng Publiko
Sa kabila ng paliwanag ng MMDA, marami pa rin ang nagpahayag ng pagkadismaya, lalo na ang mga PWD at kanilang mga pamilya.
Iginiit nila na dapat isinasaalang-alang ng gobyerno ang tunay na pangangailangan ng mga PWD sa paggawa ng mga pampublikong pasilidad.
Sa huli, ang kontrobersyal na rampa para sa PWD sa EDSA Busway ay nagbigay-daan sa mas malalim na usapin tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa Accessibility Law at ang tunay na pangangailangan ng mga PWD sa ating lipunan.
Nawa’y magsilbing aral ito para sa mga susunod na proyekto upang matiyak na hindi lang accessible kundi ligtas rin ang mga pampublikong pasilidad para sa lahat ng PWD.
0 comments:
Post a Comment